Archive for November, 2008|Monthly archive page

Isa akong malaking shock absorber

Hindi ako emosyonal na tao. Hindi ko rin naman sinasabing bato ang puso ko. Hindi lang ako sanay ipakita sa ibang tao ang nararamdaman ko. Siguro dahil lumaki kaming ganun. O ako lang yun. Huli yata akong umiyak sa harap ng nanay ko ay nung nahuli niya kaming nagbabike sa harap ng bahay sa halip na matulog. Grade six pa ko nun. Umiyak ako dahil sa sakit ng palo niya.

Hindi rin ako umiyak nung sabay naming panoorin yung pelikula ni Ate Vi na Anak. No.1 Vilmanian kasi ang nanay ko at kahit certified tearjerker pa yung movie, di ko nagawang umiyak. Habang ang nanay ko, gatimba na yata ang luha. Hindi ko alam kung bakit. Nahihiya ako na parang ewan. Abnormal.

Hindi rin ako umiiyak pag may open forum ang barkada nung high school. Ito yung venue namin para ilabas lahat ng sama ng loob sa isat isa. Habang sila ay nagyayakapan at nagiiyakan dahil nagkaayos-ayos na. Ako naman ay pangiti ngiti, patangu-tango, nakikipag kamay sa kung sino man ang dapat kamayan. Mag-iyakan sila hanggang gusto nila.

Sa akin di umiyak yung kaibigan ko nung college ng makipaghiwalay sa kanya yung boyfriend niya. Ako naman si mega comfort. Sa iba naman txt lang, “Dude may problema ako.” Tawag naman ako sabay punta pa sa bahay nila. Mga ganung drama. Tapik lang sa balikat katapat niyan sabay hirit ng “shot na! putanginang problema yan!”

Sa akin din umiiyak nanay ko kapag may problema siya. Kapag may tension sa bahay at wala siyang mahingan ng sama ng loob. Lalo na yung mga bagay na hindi nya masabi sa tatay ko o sa mga kapatid ko. Marami rami yun ah.

Yun yata ang papel ko sa buhay. Ang maging shock absorber.

Pero ayos lang yun sakin. Tingin ko kasi parte yun ng pagiging kaibigan at pagiging anak. Masaya ako pag nakikita kong nakatulong at napagaan ko mga nararamdaman nilang bigat sa dibdib.

Yun siguro ang dahilan kaya hindi ako emosyonal pagdating sa mga problema. Madalas sinasarili ko ang mga ito.  Hindi uso sakin ang mag-share. Kung kaya kong solusyunan ng mag-isa gagawin ko.

Tama na yung ako ang shock absorber, wag na sila. Kung pati ako makikiiyak sa kanila, baka kung ano pa ang mangyari. They’re my problems, it shouldn’t be theirs. Yan ang motto ko.

Abnormal. Pero ito ako.

Tama na nga. Bordering emo na.

Hindi ako Fear Factor material

Naalala ko nung kasagsagan ng audition para sa pinoy fear factor, niyaya ako ni Kuya Dante (kasamahan ko dati sa trabaho) mag audition. Sa dinami dami naman ng tao, ako pa ang niyaya. Eh napakalaki kong lampa. Katawan ko nga di ko mabuhat eh. Palibahasa siya batak ang katawan, siguradong kakayanin niya yung mga stunts. Eh ako? Puro hangin at taba lang ata ang laman ng katawan ko. Syet. Tapos on national tv pa. No way man!

Di ako papasa dun panigurado ko. Unang una, takot ako sa heights. Madali akong malula. Naalala ko nung grade six ako pinilit akong sumakay ng Anchors away sa Enchanted. Nasa dulo pa ako. Tangina talaga yung ride na yun. Akala ko katapusan ko na.

Takot din akong malunod. Dahil hindi ako marunong lumangoy. Kahit langoy aso. Pagtawanan niyo na ako pero hindi talaga. Madalas naman kaming magbeach dati pero ewan ko ba kung bakit hindi ako natuto. Puro lamon kasi inaatupag.

Heights + tubig. Leche first stunt pa lang tanggal na ko.

Pero matibay tibay naman ang sikmura ko kahit paano. Kakayanin ko sigurong kainin kung ano man ang ihain nila. Wag lang dumi o lupa, kalokohan na yun. Actually lately lang ako natuto kumain ng sisiw sa balut. Noong bata ako, lahat ng parte kaya kong kainin maliban sa sisiw. Pakiramdam ko nakatingin sakin yung sisiw with matching tuka at balahibo na para bang nagmamakaawa na huwag siyang kainin. Pero ngayon, wala na kong pakialam. Laman tiyan din yun. Pampatigas pa.

Ng tuhod ungas.

Marami pa kong kinatatakutan. Takot ako sa multo. Ayoko rin sa mga masisikip na lugar, sa mabaho, sa putik. Sa mataong lugar, nakaka overwhelm. Sa simbahan lagi akong nasa likuran. Takot din akong magsalita sa harap ng maraming tao. Yung lahat ng mata nakatitig sa yo.

Takot akong matulog mag isa. Kailangan nakabukas mga ilaw.

Takot din ako sa mascot. Mali, si sherwin pala yun.

Takot ako sa rejection.

Takot akong pumalpak. Magkamali.

Takot akong maiwan sa ere. Gets mo?

At higit sa lahat.

Takot akong mamatay.

—-

Isinulat pagkatapos mapanuod yung stunt na tangkeng punong puno ng mga ahas. Gustong gusto nung mga ahas yung dibdib ni Savanah pansin nyo? Sayang di kinagat. Hehe. Perv.

Iterax

Kung ayaw mong matulog magpatulog ka!

Kung nakakapagsalita lamang ang kumot at unan ko, marahil namura na ko ng mga ito sa paulit-ulit na pagbangon at paghigang ginawa ko kagabi. Tinamaan naman ng magaling bakit kasi inatake na naman ako ng anxiety attack. Napakadali naman ang matulog. Number one hobby ko ata to dati. Ipipikit mo lang mga mata mo at dadalhin ka na sa kung saang lugar. Nakarating na ko ng Japan dati eh. Wish ko Disneyland naman next time.

Pero iba kagabi, kahit anong pikit ang gawin ko ay di ko magawang makatulog. Nagsimula ito ng maospital ako dahil sa hyperventilation syndrome. Nagising ako isang gabi na hinahabol ang aking paghinga at namamanhid ang buong katawan. Dalawang araw din ako sa ospital. Karamihan daw sa mga tao na may panic disorder ang nakakaranas ng hyperventilation. Simula noon ay hirap na akong makatulog, lalo na sa gabi. Pakiramdam ko kasi ay mauulit na naman ang nangyari sa akin at malala pa, pakiramdam ko anytime ay aatakihin ako sa puso. In short, napapraning ako.

Stress lang daw ako sabi ng duktor ko. Kaya brown bag lang daw ang katapat kapag naghahyperventilate ako. Pero dahil sa kapraningan ko ay humingi ako ng gamot pampatulog at pampawala ng anxiety. Ilang buwan din akong umiinom ng Valium at kalaunan ay naging Iterax na lang. Unti unti ay sinanay kong hindi uminom ng gamut. Kumbaga last resort na yung Iterax kapag wala na talaga kong magawa. Kapag suko na.

It’s all in the mind sabi ng mga kaibigan at kakilala ko. Pero napakahirap palang kalaban ang sariling utak. Yun tipong pagod na pagod na ang katawan mo at gusto ng magpahinga pero yung diwa mo gising na gising pa. Naranasan ko na minsan ang matulog sa sahig sa tabi ng pinto. Nung minsan naman nakaupo at nakasandal sa pader. Ito lang kasi yung pinakakomportableng posisyon para ako makatulog.

One year and two months na nung maospital ako. Pero hanggang ngayon hindi pa rin ako makawala sa bangungot kong yun. Hanggang ngayon may multo pa rin akong nilalabanan.

Mag-aalas kwatro kaninang umaga ng tuluyan akong makatulog.

Dalawang Iterax.

Shit. Talo na naman ako.

Hiro Nakamura

Mahirap talaga ang walang trabaho. Nakakayamot. Nakakabagot. Nakakainis. Minsan di ko maiwasan sisihin ang sarili ko sa mga maling desisyon ko sa buhay. Maling mali talaga. Pero kung hindi ko naman ginawa, mabubuhay naman ako sa mga what ifs na kaekekan. Sana ako na lang si Hiro, kayang bumalik sa nakaraan. Para madaling itama yung mga pagkakamaling nagawa ko. Para isang pikit ko lang, kaya kong bumalik, batukan ang sarili ko at sabihing, “Tanga! Wag kang magreresign. Akala mo ba madaling humanap ng trabaho? Magsisisi ka dahil 3 months from now uuwi kang bigo, luhaan at walang kapera pera. Wala ka na ring pang starbucks. Wala na ring planner.Gusto mo ba yun? Ha? Ha?”

Oo na nga eh. Mali na kung mali.. Sa tingin mo ba hindi ko alam yun? Tapos na eh. Nagawa ko na. Move on na dapat. Pero bakit ganun? Ang hirap ibalik yung dati. Parang ang daming nagbago. Wtf?? 3 months lang naman akong nawala. Pero pakiramdam ko 3 years na yung lumipas. Well at least I tried. Di man natupad yung mga plano ko ngayon, hindi ibig sabihin na hindi na mangyayari. Tama naman di ba? Heto na naman ako, hinahanapan ko na naman ng tamang rason yung mga maling desisyon ko sa buhay.

Siguro nga totoo yung “you are who you are, not what you do”. Minsan ibinabase natin ang ating pagkatao sa kung ano ang ginagawa natin sa ating mga buhay. Sa kung anong estado, kung anong narating, anong natapos, anong meron, anong wala. Sa mga tama at maling desisyon sa buhay. Minsan mas madaling matandaan yung mga “maling desisyon” na sa tingin ng iba ay nagawa mo. Ang hirap kalimutan yung kahihiyan at mga disappointments na dala ng mga desisyong yun.

Pero ngayon, iniisip ko na lang, walang tama at maling desisyon. Lahat to nakatulong sa kung ano man ako ngayon. Sabi nga ni KC, I’m not perfect. Yung mga “maling” desisyon ko, experience na matatawag. Para next time, alam ko na. Wala ng sisihan. Tama na ang mukmok. Past is past.

Kalat

Dala na rin siguro ng kabagutan kaya naisip kong maghalungkat ng mga luma kong gamit. Hobby ko kasing magtago ng mga bagay bagay na kung iisipin mo ay mga kalat lamang pero may mga sentimental value pala. O sa tingin ko lang meron. Minsan nag away na kami ng nanay ko dahil muntikan na niyang itapon ang mga “kalat” ko. Sa tingin niya kasi ay mga basura lang ang mga yun. Hindi niya naintindihan ang mga alaala sa likod ng mga papel, resibo, balat ng candy, kaha ng yosi , ballpen na walang tinta, bato (as in rock po),love letter, syringes (walang needles), mga lumang i.d at kung anu ano pang bagay mula sa nakaraan. Hindi niya alam na ito ang mga bumuo ng kung sino ako ngayon. Hehe, ang chummy ko. Minsan masarap alalahanin ang mga kwento at mumunting karanasan na dala ng mga ito. Heto ang ilan sa mga “kalat” ko:

dsc007313Name tag at scratch paper ko nung sumali kami sa Battle of the Brains (may halong pagyayabang) ni JFJR*. Ito yung quiz show dati sa Channel 9 na host si David Celdran at sponsor ang Uniwide. Tuwang tuwa kami dahil school namin ang napili sa district namin. Grade 6 ako nun at sa Uniwide Tarlac ginawa ang Provincial round. Hindi kami nakarating ng Manila dahil natalo kami sa first round pa lang. Hindi ko na maalala kung magkano ang napanalunan naming pera (siguro konti lang yun kasi nga talo) pero naaalala ko nung pinalabas ito sa TV after 1 week. Excited kaming lahat dahil first time na makikita ang mukha ko sa national TV. Sayang nga lang dahil hindi namin nairecord sa betamax o VHS yung episode. Kitang kita ko ang kaba sa mukha ko habang pinapanuod yun, at kitang kita ko rin kung paano hilahin ni JFJR and tshirt ko para sabihin ang sagot sa tanong ni David. Tawa kami ng tawa dahil halos mahubaran na ko sa pagkahila niyang yun sa damit ko. Shit, nakakahiya. Tanginang milk yun.

*JFJR stands for Jose Francisco Jeffrey Roberto. Yan ang buong pangalan ng team mate ko.

dsc00748I.D ko nung mag attend ako sa 36th National Rizal Youth Leadership Institute (NRYLI)* sa Baguio City. Memorable ito (may halong pagyayabang ulit) dahil ako ang pinakabatang delegate, 2nd year high school lang ako nun at yung iba, college students na lahat galing sa ibat ibang eskwelahan sa buong bansa. Masaya yung experience, marami akong natutunan at nakilalang mga bagong kaibigan. Dito rin nabuo ang pangarap kong mag-aral sa UP.

*NRYLI is dedicated to train the future leaders of our land. Operating under the aegis of the Order of the Knights of Rizal, it employs Rizalism as a primary molding tool to create a different kind of leadership training.

dsc00753Isa sa mga pampalipas oras naming gawin nung 2nd yr college. Isang papel. Isang tanong. Sabay iikot sa buong klase upang sagutan. Mga kwentong laugh trip ang kalalabasan. Ibat ibang topic bawat araw pero madalas ay ang walang kapararakang pang insulto sa mga instructor. Tama, ako ang pasimuno nito dahil ako ang nagtago ng mga ebidensya. Nakakamiss ang college. Nakakamiss yung laro namin. At shempre nakakamiss ang mga kaibigan at kaklase ko. Na sumumpang walang laglagan kapag nagkabistuhan. Panks nga eh!